‘Super Lolo, Piccolo, iba pa bawal sa Maynila – Isko Moreno
MANILA, Philippines — Ipinagbawal sa lungsod ng Maynila ang pagbebenta at pagpapaputok ng ‘Super Lolo, Piccolo’ at iba pang uri ng mapanganib na paputok sa Bagong Taon makaraang pirmahan ni Mayor Isko Moreno ang isang ordinansa para sa panuntunan ukol dito.
Pinirmahan ni Moreno nitong Disyembre 28 ang Executive Order No. 52 na nakasaad ang mga panuntunan sa pag-manufacture, pagbebenta, at distribusyon ng mga paputok, at maging ang pagsasagawa ng mga ‘community fireworks display’ sa siyudad.
Bukod sa ‘Super Lolo at Piccolo’, bawal na ring gamitin ang mga tinatawag na ‘The Atomic Big, Triangulo, Five Star, Pla-pla, Giant Whistle Bomb’ at mga kahalintulad na uri ng paputok sa loob ng lungsod.
“The entire police district will be in the streets, avenues, and boulevards in the City of Manila. Bumili na lang kayo ng maraming torotot, yung kaldero niyo sa bahay gamitin niyo, magsuot kayo ng bilog-bilog,” bilin ni Moreno sa mga Manilenyo.
Nanawagan ang alkalde sa mga magulang na ipunin na lamang para sa pagkain o ibang mas mahahalagang bagay ang perang ipambibili ng paputok lalo ngayong nasa krisis pa ang bansa dahil sa pandemya.
- Latest