Libreng sakay sa EDSA bus carousel, giit ibalik
MANILA, Philippines — Nananawagan ang mga manggagawa sa pamahalaan na ibalik na ang libreng sakay sa EDSA bus carousel habang may pandemya pa ng COVID-19.
Matatandaang kamakailan ay una nang itinigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagkakaloob ng libreng sakay para sa mga authorized persons outside residence (APOR) dahil ubos na ang budget na nakalaan para dito sa taong ito.
Gayunman, magtutuluy-tuloy pa rin ang pagkakaloob ng mga insentibo at payout sa mga bus drivers na lumahok sa programa.
Nabatid na nasa 13 ang minimum fare dito at kung buong biyahe naman ay sasakay rito sa Monumento hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ?62 na ang sinisingil na pamasahe. Tinatanggap naman ang cash at beep card transactions sa mga bus.
Maraming pasahero naman ang nabigla nang malamang hindi na pala libre ang sakay sa bus carousel.
Nanawagan rin sila na sana ay ibalik ng pamahalaan ang libreng sakay dahil malaking tulong anila ito sa kanila ngayong nananatili pa rin ang pandemya.
Sa kabila naman na hindi na libre ang sakay ay mahaba pa rin ang pila sa bus carousel dahil pinipili pa rin itong sakyan ng mga pasahero.
Paliwanag nila, mas mabilis para sa kanila ang usad ng pila rito kumpara sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at wala rin namang trapik.
Nitong Lunes ay balik-trabaho na ang maraming manggagawa sa bansa matapos ang pagdiriwang ng Pasko.
- Latest