‘Political prisoner’ na pinakamatagal na nakakulong, pinapalaya ng korte
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 sa New Bilibid Prison (NBP) ang agarang pagpapalaya sa itinuturing na pinakamatagal nang nakakulong na ‘political prisoner’ na si Juanito Itaas makaraang pagbigyan ang isinampang ‘writ of habeas corpus’.
Nabatid na sinampahan ng kasong murder at hinatulan na makulong ng 39 taon si Itaas noong 1991 dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagpatay kay United States Army Colonel James Rowe noong 1989.
Sinabi naman ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na naghahanda na ang Office of the Secretary General na magsampa ng ‘motion for reconsideration’.
“As I have said earlier, the Supreme Court has the final say on any and all issues of constitutionality. The OSG has filed an MR in the RTC. it is ready to challenge the trial court’s ruling all the way up,” ayon kay Guevarra.
Tinambangan at napatay noong Hunyo 1989 si Rowe sa may Tomas Morato Street sa Quezon City. Nadakip naman si Itaas sa Davao City at umamin na isa siya sa nagpaputok ng baril sa sasakyan ng biktima.
Ngunit kinalaunan ay bumaligtad si Itaas at sinabi na tinorture umano siya ng mga awtoridad para mapilitang umamin at magbigay ng ‘sworn statement’ sa isang ahente ng Central Intelligence Service.
Inakusahan din siya na miyembro ng New People’s Army.
Sa kabila nito, pinagtibay ng Korte Suprema ang kaniyang konbiskyon at hinatulan siya ng ‘reclusion perpetua’.
Sinabi naman ng Muntinlupa court, na nakulong na si Itaas ng higit 30 taon at umani ng 29 taon sa kaniyang Good Conduct Time Allowances (GCTA).
- Latest