MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang itinuturong lider ng isang sindikato ng Korean online gambling sa isang operasyon sa Quezon City nitong nakaraang Martes.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang dayuhan na si Lee Jaehun, 45-anyos. Naaresto siya sa loob ng isang commercial complex sa may Brgy. Holy Spirit ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit sa bisa ng warrant dahil sa pagiging ‘undesirable alien’ at ‘overstaying’.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, nahaharap sa ‘warrant of arrest’ si Lee na inilabas ng Changwon district court sa South Korea dahil sa paglabag sa kanilang ‘illegal gambling law’. Si Lee umano ang pinuno ng isang sindikato na nag-ooperate ng isang online server na nagpapataya para sa iba’t ibang ‘sports competitions’.
Aabot na sa halagang 1.4 trilyong won o US$1.17 milyon ang natangay ng sindikato sa mga kababayang Koreano dahil sa operasyon ng ilegal na pasugalan mula Enero 2015 hanggang Oktubre 2016.
Nakaditine ngayon ang suspek sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Inilagay na rin siya sa immigration blacklist at inaasikaso na ang pagpapa-deport sa kaniya.