MANILA, Philippines — Limang buhay na King Cobra ang nasabat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) habang ibinebenta sa isang pet shop sa Binondo, Maynila kamakalawa.
Inaresto ng mga tauhan ng NBI-Environmental Crime Division ang isang babaeng Chinese national na itinago muna ang pagkakakilanlan.
Ayon kay NBI-ECD chief, Head Agent Jun Capreso, nakatanggap sila ng ulat ng lumalakas na bentahan ng mga wildlife na iniluluto sa mga restoran na naghahain ng exotic food.
Nagsagawa ng intelligence operation ang NBI hanggang sa matunton nila ang tindahan sa Binondo na nag-aalok ng mga buhay na ahas at iba pang pinangangalagaang hayop.
Katuwang ang mga kinatawan ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR), nagsagawa ng entrapment operation ang NBI sa tindahan at naaresto ang babaeng Chinese nang pagbentahan ng ahas ang poseur buyer ng ahensya.
Nakasilid na sa sako ang limang King Cobra na ibinebenta sa tindahan.
Iginiit ni Capreso na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng King Cobra sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Delikado rin umano ang pagbebenta o pag-aalaga ng King Cobra dahil sa maaaring makawala ito at makapambiktima ng tao.