MANILA, Philippines — Kalaboso ang dalawang karnaper nang matunton sa Bulacan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tinangay nilang van dahil sa GPS tracker, kamakalawa ng madaling araw.
Nakilala ang mga suspek na sina Pipoe Silverio, 43, security guard at si Alvin Castro, 33, construction worker, kapwa ng Bagong Barrio, Caloocan City.
Sa ulat ng Tondo Police Station 1, naganap ang pagtangay sa silver Toyota Hi-Ace van sa loob ng bodega ng ZESTAR Corporation sa may Juan Luna Street, Gagalangin, Tondo dakong alas-2 ng madaling araw.
Si Ryasan Sanchez, warehouse supervisor ng kompanya, ang nakadiskubre sa pagkawala ng van na ipinarada sa harap ng bodega.
Agad niyang iniulat ito sa istasyon ng pulisya. Siya rin ang nagsabi na may nakakabit na GPS (Global Positioning System) tracker sa sasakyan.
Dito nila natukoy na nasa San Miguel, Bulacan ang van kaya agad nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng MPD katuwang ang Bulacan Police Provincial.Office at nilusob ang lugar. Dito nadakip ang dalawang suspek at narekober ang ninakaw na van.