NBI pinakilos vs scammers

Sinabi ni Bello na may ilang buwan nang nananatili ang ilang pekeng FB account taglay ang kaniyang pangalan at larawan na nagso-solicit sa publiko ng pera.
STAR/File

Pangalan ni Sec. Bello ginagamit

MANILA, Philippines — Kumikilos na ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga scammers sa Facebook na gumagamit sa pangalan ni Labor Secretary Silvestre Bello III para makapanghuthot ng donasyon sa mga biktima.

Sinabi ni Bello na may ilang buwan nang nananatili ang ilang pekeng FB account taglay ang kaniyang pangalan at larawan na nagso-solicit sa publiko ng pera.

May mga ilang suspek nang tinututukan ang NBI at malapit nang makilala ang mga scammer, ayon pa kay Bello.

“Our law enforcers are doing a great job. Arrests can be made earlier than expected,” ayon kay Bello.

‘For the nth time, the public is advised that I don’t maintain an account in Facebook by the name “SILVESTRE H. BELLO III.” This is fake!,” giit ni Bello.

Unang naging modus ng mga scammer ang humingi ng tulong pinansyal para sa pekeng community pantry na umano’y inorganisa ni Bello.

Sumunod ay ang pagpapamahagi umano ni Bello ng tone-toneladang bigas bilang tulong sa mahihirap ngunit dapat sagutin ng mga benepisyaryo ang gastos sa pagpapadeliber.

Sa mga schemes na ito, sinasabihan ang mga biktima na magdeposito sa ilang bank accounts. Nabiktima nito ang ­ilang kaibigan ni Bello na siyang nagpaalam sa kaniya ng modus.

Show comments