MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang Filipino Chinese makaraang makorner ng mga pulis sa isang habulan dahil sa pagdadala ng iligal na kush marijuana at ecstasy, kahapon ng umaga sa San Miguel, Maynila.
Nakilala ang nadakip na si Onemiguel Tan, 23-anyos, ng Pacheco Ext. St., Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit, unang nasita si Tan ni PCpl Marphil Canlas dahil sa paghinto ng sasakyan sa may kanto ng Roxas Blvd. at Katigbak St., sa Ermita dakong alas-8:30 ng umaga na nagdudulot ng pagsikip ng trapiko.
Nang buksan ni Tan ang bintana ng kaniyang kotse, naamoy ni Canlas ang marijuana sa loob nito at nakita ang dalawang plastic sachet sa pagitan ng hita ng suspek.
Dito pinasibad ng suspek ang kaniyang kotse kaya nagkaroon ng habulan hanggang sa makorner si Tan sa may kanto ng P. Casal at Solano Streets.
Nakumpiska sa kaniya ang nasa 20 gramo ng Kush marijuana na nagkakahalaga ng P2,400.00, at isang tableta ng ecstasy na may halagang P1,200.00. Kinumpiska rin ang minamaneho niyang asul na Honda Jazz at pera na nagkakahalaga ng P80,500.00.
Nakaditine na ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila City Prosecutor’s Office.