MANILA, Philippines — Arestado ang isang Chinese national nang tanggapin nito ang delivery package na naglalaman ng ilegal na droga sa Taguig City.
Sa ulat ng Taguig Substation 1, nakilala ang suspek na si Xingchao Li, 29, at residente ng McKinley, Taguig City, na siyang recipient ng isang package na may lamang shabu.
Dakong alas-2:59 ng hapon noong nang arestuhin si Li, habang ang sender naman ay nabigong madakip sa ikinasang entrapment operation.
Natukoy lamang ang ilegal na droga nang maghinala ang delivery rider ng Lalamove sa package na nahirapan siyang maibigay sa recipient dahil sa pagpalipat-lipat ng drop-off location.
Una umanong kinuha ng rider ang parcel sa Baclaran area, na nagduda siya nang ayaw pakuhanan ng litrato ng sender na isa ring Chinese national na may pangalang Xiaofei. Sa halip ay binigyan siya ng P100 upang hindi na niya litratuhan.
Nang marating ng rider ang McKinley West area ay hindi naman matagpuan ang tatanggap kaya’t nagduda na may misteryo ang ipinadadala sa kanya kaya’t ininspeksyon ang laman ng package at natuklasang may isangplastic sachet ng hinihinalang shabu kaya ipinaalam sa pulisya.
Nakipag-ugnayan din sa Taguig Drug Enforcement Unit ang rider para maaresto ang sender subalit bigo na maaresto.