MANILA, Philippines — Dahil sa dumaraming kaso ng cybercrime kaya muling nagpaalala at nagbigay ng tips ang Philippine National Police (PNP) upang maiwasang mabiktima ng mga ito.
“Avoid unsecured Wi-Fi hotspots; set your device so that it doesn’t automatically connect to external sources”.
Isa ito sa ibinahaging paalala at tips ng Philippine National Police (PNP) sa publiko. Kasunod ito sa mga ulat nang pagka-hack sa account ng isang banko.
Ayon sa PNP kailangan na maging maingat ang social media users sa pag-’accept’ sa mga hindi kilalang nagpapadala ng friend requests dahil kadalasang gumagawa ang cyber criminals ng pekeng account upang makipagkaibigan sa mga potensyal na biktima.
“Trust no online friends unless you know them personally,” anang PNP. Pinayuhan naman ng PNP ang publiko na huwag umanong tumugon sa mga mensaheng ito.
Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko ukol sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon partikular ang mga contact at bank details at nag-abiso na limitahan ang paggamit ng contact numbers online.
Sinabi rin ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na tiyakin na naka-disabled ang bluetooth kung hindi ginagamit upang hindi mapasok ng mga hackers.
Inalerto rin ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang publiko laban sa ‘Drive-by Download Attack’ kung saan may malicious programs na ini-install sa device nang walang permiso mula sa user. Maaaring dumulog o ma-contact ang ACG sa email address na acg@pnp.gov.ph o telephone number nito na (632) 723 0401 local 7483.