MANILA, Philippines — Pinarangalang ‘Most Innovative Local Government Unit in Nutrition Program Management’ ang lungsod ng Malabon sa pamumuno ni Mayor Antolin ‘Lenlen’ Oreta III, mula sa National Nutrition Council (NNC) sa okasyon ng Gawad Parangal sa Nutrisyon na ginanap sa The Heritage Hotel Manila sa Pasay City nitong Disyembre 7.
Ang pagkilala ay bunsod ng mabungang programa ng lungsod sa paglutas sa malnutrisyon at pagpapanatili sa tamang kalusugan ng Malabonian, lalo na ng mga bata at kababaihang buntis sa mga nagdaang taon.
Una nang napababa ang kaso ng malnutrisyon ng batang Malabonian mula 7.1% noong 2015 hanggang 5.8% noong 2019 at napababa naman ng 2.9 % mula 3.9 ang datos ng sobra sa timbang na bata sa lungsod ayon sa Expanded National Nutritional Survey sa parehong taon.
Nangyari ito dahil sa masigasig at patuloy na supplementary feeding, nutrition surveys at monitoring, ‘kamustahan at oryentasyon sa tamang nutrisyon,’ at iba pang inisyatibo ng lokal na pamahalaan sa bawat nasasakupang barangay nito.
Matatandaang nakatanggap drin ang Malabon ng mga karangalan bilang Best in Resource Generation and Mobilization at Very Satisfactory Performance in Nutrition Program Management, noong 2017.
Sa naturang 2021 Regional Nutrition Awarding Ceremony, partikular na kinilala ng NNC ang programang “Karinderia Para sa Kalusugan ni Chikiting” (KKC) na sinimulan at nagpapatuloy pa mula noong Marso ng 2018.
Sa natatanging programang ito ay nakipagtambalan ang pamahalaang lungsod sa 50 karinderya na nagluto ng masusustansyang pagkain para sa mga tukoy na bata at buntis na inang benepisyaryo ng supplementary feeding sa loob ng 120 araw.