Misis arestado sa tinapay na may palamang shabu
MANILA, Philippines — Isang ginang na bibisita sana sa kanyang kinakasama sa loob ng piitan ng Marikina City Police, ang inaresto ng mga pulis matapos na makumpiskahan ng mga buns o tinapay na may palamang shabu.
Sa ulat ng Marikina City Police na pinamumunuan ni Col. Benliner Capili, kay Eastern Police District (EPD) director BGen. Orlando Yebra, nabatid na ang suspek na si Anne Aldana, 41, ay nakapiit na rin ngayon matapos na tangkaing ipuslit ang mga tinapay na may palamang shabu sa bilangguan, kamakalawa ng hapon.
Batay sa ulat, bago ang pag-aresto ay nagtungo umano ang suspek sa kanyang live-in partner na nakapiit sa loob ng Marikina CPS custodial facility upang maghatid ng mga pagkain.
Gayunman, nang inspeksiyunin ng duty jailer ang dala nitong naka-pack na mga tinapay ay dito na nadiskubre na may palaman pala ang mga ito na ilegal na droga.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa humigit-kumulang sa isang gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P6,800 ang nakumpiska mula sa suspek.
Samantala, sa Parañaque, mahigit sa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang buy-bust operation sa Parañaque City nabatid kahapon.
Batay sa report ng mga operatiba ng Region 4-A kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang suspek ay kinilalang si Jimmy Kasim.
Nabatid na ang drug operation ay ikinasa dakong alas-11:10 ng umaga kamakalawa sa parking lot ng isang kilalang fastfood chain sa San Antonio Avenue, Valley 1, Sucat Parañaque City nang pinagsanib na pwersa ng PDEA RO IV-A RSET, SPD DID at ng Sub Station 5 Parañaque City Police.
Kaagad namang naaresto ang suspek na nakumpiskahan ng 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value ng P3,450,000.00.
- Latest