Insurance ng tricycle drivers, ilalaban ng TODA partylist

“Nakakalungkot isipin na ang sektor ng TODA ay underrepresented. Nararapat lamang na bigyan natin sila ng boses sa Kongreso,” ani TODA first nominee Councilor Rovin Andrew Feliciano ng Valenzuela City.
Boy Santos, file

MANILA, Philippines — Isusulong ng TODA Party-List na mabigyan ng malawakang proteksyon ang hanay ng mga tricycle driver at operator at matugunan ang kanilang malalim na suliranin sa kawalan ng karampatang health insurance.

“Nakakalungkot isipin na ang sektor ng TODA ay underrepresented. Nararapat lamang na bigyan natin sila ng boses sa Kongreso,” ani TODA first nominee Councilor Rovin Andrew Feliciano ng Valenzuela City.

Labis siyang nag-alala sa pagdadalamhati ng mga naiwang kamag-anak ni Norberto Pinuela, 65, na nasawi matapos banggain ang kanyang minamanehong tricycle at tumilapon sa ilog ng Lambingan Bridge, Barangay Concepion, Malabon City.

Personal na binisita ng konsehal ang pamilya ni Pinuela, 65, sa kanilang tahanan sa Brgy. Catmon, Malabon upang iabot ang munting ayuda na nagkakahalaga ng P20,000 at ng kanyang taos-pusong pakikiramay.

“Nakakalungkot na isipin na si Mr. Pinuela ay wala man lang SSS (Social Security System) o anumang health insu­rance,” aniya.

Labis siyang nangamba nang malaman sa datus ng Metropolitan Manila Development Authority na limang tricycle driver sa loob ng isang araw ang nagiging biktima ng aksidente sa daan.

“Ito na ang tamang pagkakataon upang pagtuunan natin na mabigyan sila ng karampatang health at accident insu­rance at palawigin ang iba’t ibang programa at proyekto upang maiangat sila sa kahirapan,” diin ni Feliciano.

Noon lamang Lunes, tumilapon si Pinuela sa ilog at dead on the spot ang kanyang pasaherong si Novelina Esto, 54, matapos silang banggain ng SUV na minamaneho ni Kim Russel Sioco sa kahabaan ng Lambingan Bridge.

Kasamang dumalaw ni Feliciano sa burol ang mga opisyales ng TODA Federation ng Malabon at Navotas.

Show comments