Umihi sa pedicab, namaril nang sitahin
MANILA, Philippines — Tinutugis ang dalawang lalaki na bumaril at nakapatay sa isang lolo na may-ari ng pedicab na kanilang inihian, kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Danilo Florida, 63, pedicab driver at nakatira sa Arellano St., Malate. Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa tumakas na salarin.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, unang nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ni Florida at ng isa sa dalawang suspect nang sitahin ng una ang mga huli dahil sa pag-ihi sa ipinapasada niyang pedicab.
Naglabas ng patalim ang suspek ngunit naawat sila ng mga rumespondeng tauhan ng barangay. Umalis ang salarin ngunit pinagbantaan ang biktima na babalikan.
Dakong alas-8 ng gabi nang bumalik nga ang salarin na may kasama nang isa pang lalaki. Nang makita si Florida, agad itong binaril saka mabilis na nagsitakas lulan ng dalawang bisikleta.
Isinugod naman ng mga kaanak ang biktima sa Ospital ng Maynila ngunit idineklara na siyang walang buhay dakong alas-8:30 ng gabi nang dumating sa ospital.
- Latest