MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Bureau of Quarantine (BOQ) na kailangan ding sumailalim sa ‘quarantine protocols’ ang mga alagang hayop ng mga biyahero na papasok sa bansa.
Sinabi ni BOQ Deputy Director Roberto Salvador Jr., na ang quarantine sa mga pets ay pinamamahalaan ng Bureau of Animal Industry (BAI).
“Ang BOQ ay para sa humans, ang aso ay sa BAI. Magkahiwalay po tayo ng procedures,” ayon kay Salvador.
Kailangan umano na may nagbabantay sa mga hayop na pinaparating sa Pilipinas at sila ang mga beterinaryo ng BAI.
Wala pa namang panuntunan sa pagsasailalim sa test sa mga pets bago makapasok sa bansa, ngunit may mga tukoy na bakuna na kailangang ibigay sa mga hayop bago ang mga ito maipasok sa Pilipinas.
Ang paglilinaw ng BOQ ay bunsod ng maraming kahilingan ng mga biyahero na maisama ang mga alagang hayop na ayaw nilang maiwan sa pinanggalingang bansa dahil sa walang mag-aalaga.