MANILA, Philippines — Wala pang bagong development sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng visual artist na si Bree Jonson dahil natigil ito sa ilang kadahilanan.
Isa dito ang aplikasyon sa search warrant upang makakuha ng forensic evidence na naka-pending pa aniya sa korte dahil naka-bakasyon ang hukom.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na “ the NBI investigation has been stalled. Our agents have a pending application for search warrant to secure forensic evidence (the judge is on extended leave).They are also waiting for the PNP response to their requests for clarification on the PNP’s DNA report.”
Matatandaang natagpuan si Jonson noong Setyembre 18, 2021 sa La Union hostel kung saan siya namalagi at ang boyfriend na si Julian Ongpin, ang anak ng business tycoon na si Roberto Ongpin.
Si Ongpin ay kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay sa pagkamatay ni Jonson dahil siya ang huling nakasama nito bago matagpuang walang buhay ang huli.
Si Ongpin ay ipinagharap din ng mga awtoridad ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive dangerous Drugs Act of 2002 matapos makarekober sa kanilang silid ng 12 gramo ng cocaine.
Gayunman, noong nakalipas na buwan ay naibasura agad ang kaniyang kaso dahil sa kabiguan umano ng mga pulis na sundin ang chain of custody requirements sa ilalim ng Section 21 ng RA 9165 0 Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Umapela naman ang prosekyusyon na ma-reconsider ang naging kautusan ng korte sa nasabing drug case.