Studes sa F2F classes binalaan vs street crimes
MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mga estudyante na maging maingat laban sa mga street crimes sa bisinidad ng mga eskuwelahan kaugnay sa nalalapit na implementasyon ng face-to-face (F2F) classes sa National Capital Region (NCR) sa darating na Disyembre 6.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Dionardo Carlos na ang pokus ng atensyon ng PNP ay ang 28 eskuwelahan sa NCR na itinakda ng Department of Education (DepED) bilang batch sa pagbabalik ng F2F.
Sinabi ni Carlos na aatasan niya ang mga hepe ng pulisya sa Metro Manila para magpakalat ng mga pulis na magbibigay ng seguridad sa paligid ng mga paaralan.
“The PNP will secure a final list of the participating schools so I can order the chiefs of police in those areas to plan for their deployment to ensure security in these school premises,” ayon kay Carlos.
Gayunman, binigyang linaw ni Carlos ang nangyaring insidente sa Pangasinan ay hindi na dapat pang maulit muli matapos na ilang pulis ang nakunan ng larawan sa loob ng classroom na may mahahabang armas na ikinatakot ng mga estudyante.
Aniya, magiging limitado lamang ang presensya ng mga pulis sa labas ng mga compound ng mga eskuwelahan maliban na lamang sa mga emergencies kung hingin ng pangasiwaan ng mga paaralan ang tulong ng pulisya.
Tiniyak din ng PNP sa mga lokal na pamahalaan at maging sa mga health authorities na tutulong sila sa pagpapatupad ng minimum public health standards sa bisinidad ng mga eskuwelahan.
- Latest