MANILA, Philippines — Sinimulan na kahapon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang pagpapalit ng bagong signaling system ng kanilang rail line.
Dahil dito, sinuspinde muna ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, ang biyahe ng kanilang mga tren nitong Linggo, Nobyembre 28.
Batay sa naunang inilabas na paabiso ng LRMC, ang suspensiyon ng operasyon ay bilang pagbibigay-daan sa pag-a-upgrade sa bagong signaling system ng linya, gayundin ang tests at trial runs nito.
Inaasahan namang wala ring biyahe ang mga tren ng LRT-1 sa dalawa pang araw ng Linggo, o sa Enero 23, 2022 at Enero 30, 2022, upang ipagpatuloy at matapos ang naturang upgrade ng signaling system.
Nabatid na ang railway signaling systems o ang “traffic light system” para sa railway ay ginagamit para idirekta ang railway traffic at mapanatiling maayos at ligtas ang operasyon at biyahe ng mga tren.
Ayon sa LRMC, ang pag-upgrade nito sa bagong “Alstom signaling system” ay kinakailangan upang ma-accommodate ang commercial use ng bagong 4th Generation trains ng LRT-1 na target nang masimulan sa kalagitnaan ng taong 2022.