MANILA, Philippines — Nailigtas ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang menor de edad na inabuso, pinagtatrabaho at hindi pinapasahod ng tama ng kanilang employer sa Navotas City.
Ayon kay Colonel Randy Glenn Silvio, regional chief ng CIDG-NCR, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa menor de edad na nagtatrabaho sa nasabing warehouse. Agad nila itong bineripika hanggang sa isagawa ang rescue operations.
Naaresto naman ang tatlong Chinese employers ng mga biktima.
Batay sa reklamo ng mga biktimang sina ‘Mario’ at ‘Tony’, 12 hanggang 14 oras silang pinagtatrabaho ng kanilang amo sa warehouse ng ‘ukay-ukay’ .
Anila, bugbog sila sa trabaho subalit P300 lamang kada araw ang pasuweldo sa kanila. Naka-padlock at nakakulong din sila sa warehouse mula umaga hanggang hatinggabi.
Paliwanag ni Silvio, bukod sa pagpapatrabaho sa mga menor de edad, mali ang pagpapasahod at pagpapahirap ng mga employer. Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang kaso.
Itinanggi naman ng isa sa mga inaresto ang akusasyon kabilang na ang pagtanggap sa mga minors.
Nahaharap ang tatlo sa paglabag sa Republic Act 9208 or the Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.