Suspek sa pamamato ng MRT-3 na ikinasugat ng 51-anyos na pasahero nasakote

Litrato ng pamamato sa MRT-3 sa Taft Avenue Station, bandang 6:51 a.m., ika-21 ng Nobyembre, 2021
Mula sa Facebook page ni Transport Secretary Arthur Tugade

MANILA, Philippines — Hawak na ng mga pulis Pasay ang pinagsususpetyahang nanghagis ng bato sa isang bagon ng MRT-3 na ikinasugat ng isang pasahero nitong Linggo.

Kinilala ang akusado bilang si Lester Rodriguez, 29-anyos, na naaresto bandang 9 p.m. sa Lungsod ng Pasay, ika-21 ng Nobyembre. 

"He is now detained and is being investigated at the Pasay City Substation 4," wika ng Department of Transportation-MRT-3 sa isang press statement, Lunes.

"Police said Rodriguez was positively identified by two witnesses as the one who threw the rock at the MRT-3 train."

Haharap si Rodriguez sa sari-saring reklamo, kabilang na ang malicious mischief. Sinasabing bandang 6:51 a.m. nang mangyari ang naturang insidente sa Taft Avenue Station.

Maliban sa pagkakabasag ng bintana ng treng tumatakbo sa kahabaan ng EDSA, nagtamo ng injury ang isang 51-anyos na lalaking pasahero.

"The passenger was immediately attended to and was given first aid at the Magallanes Station. He was later brought to the San Juan De Dios Hospital at Pasay for further medical attention," wika ng DOTr-MRT-3 kahapon sa hiwalay na pahayag.

Hindi naiwasan ni Transport Secretary Arthur Tugade na manggalaiti sa naturang pamamato kahapon, dahilan para pagmumurahin niya ang suspek kahapon sa isang paskil.

"Sana mahuli itong t**r@Nt@d0** gumawa nito!" ayon sa kalihim.

"‘Yung ganitong g@g*ng tao ay dapat na nakukulong!!!"

 

 

— James Relativo

Show comments