Bagon ng MRT-3 binato ng basurero, 1 sugatan
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nang batuhin ng isang basurero ang isang bagon nito sa Taft Avenue, Pasay City, kahapon ng umaga.
Kaagad namang nilapatan ng first aid ang 51-anyos na pasahero na ‘di na pinangalanan sa Magallanes Station ng MRT-3 bago dinala sa San Juan de Dios Hospital sa Pasay City.
Samantala, kaagad ding naaresto ang suspek na isang basurero at nakatakdang sampahan ng kaso.
Batay sa ulat ng MRT-3, dakong alas-6:51 ng umaga nang maganap ang insidente sa Taft Avenue Station.
Kasalukuyan umanong bumabaybay ang tren sa naturang lugar patungo sa Magallanes Station nang sa hindi pa batid na kadahilanan ay bigla na lang umanong kumuha ng malaking piraso ng bato ang suspek at ibinalibag ito sa dumaraang tren.
Dahil sa laki ng bato ay nasira ang bintana ng tren at tinamaan ang pasaherong sakay nito.
Kaagad rin namang naaresto ang suspek sa isang construction site malapit sa isang hotel sa Taft Avenue.
Masusi pa rin namang iniimbestigahan ng pamunuan ng MRT-3 ang insidente at inaalam ang motibo sa pambabato.
Tiniyak pa ng MRT-3 na gumagawa sila ng mga kaukulang hakbang upang hindi na maulit pa ang naturang pangyayari sa hinaharap.
Samantala, ikinagalit naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pangyayari.
Nagpaskil din si Tugade sa kanyang Facebook account ng larawan ng nasirang bintana ng MRT-3 at ng isang bato na nasa sahig nito ng tren.
Ayon kay Tugade, dapat na makulong at mapanagot ang taong may kagagawan ng insidente.
Ang MRT-3 ay bumabaybay sa kahabaan ng EDSA mula Taft Avenue, Pasay hanggang North Avenue, Quezon City at pabalik.
- Latest