Negosyo na pasaway sa capacity limit, vax card isasara - DILG
MANILA, Philippines — Nagbabala si Interior Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na ipasasara nila ang mga establisimyento kung paulit-ulit ang masusumpungang paglabag ng mga ito sa ipinatutupad na health protocols.
Ayon kay Malaya, maaaring mapawalang-bisa ang safety seals at masuspinde ang business permit ng mga establisimyentong hindi tatalima sa health at safety protocols.
Ang safety seal program ay isang inter-agency initiative ng DILG, Department of Health, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, at Department of Tourism.
Aniya, kapag ang isang establisimyento ay may “repeated violations” sa gitna ng banta ng COVID-19, hindi sila nagdadalawang isip na ipasara ito dahil nagdudulot lamang ito ng pangamba sa publiko.
Nakarating sa kaalaman ng DILG ang mga paglabag sa operational capacity limit at pagkabigo na magpatupad ng fully vaccinated requirement sa loob ng mga establisimyento gaya ng restaurants, amusement parks, recreational venues, fitness studios, at gyms, at iba pa.
Nabatid kay Malaya na personal niyang naobserbahan ang kawalan ng paggalang ng mga establisimyento sa minimum public health standards at iba pang guidelines sa ilalim ng alert level system.
“Many restaurants and indoor establishments are not checking the vaccination status of their customers and are violating the 50 percent operational capacity for indoor establishments and 70 percent operational capacity of outdoor establishments,” ani Malaya.
Paglilinaw ni Malaya, hindi naman maaaring maging kampante ang publiko bagamat bumababa ang kaso. Mas dapat na ituloy ang pag-iingat upang matapos na ang pandemya.
Ang safety seal ay kailangan na nakapaskil sa public at private establishments o gusali para patunay na sumusunod sa health protocols laban sa Covid-19. Maaaring mawala ang safety seal gayundin ang additional 10 percent capacity, operational capacity.
Oobligahin niya ang lahat ng local government units at ang Philippine National Police na magsagawa ng inspeksyon sa mga establisimyento upang matiyak na sumusunod ito sa Covid-19 guidelines at para sa LGUs na magpalabas ng show cause orders laban sa mga lalabag.
Hinikayat din nito ang publiko na magreport ng mga lalabag sa health at safety protocols.
- Latest