Bebot kulong sa pamemeke ng dokumento
MANILA, Philippines — Hinatulan ni Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 31 Judge Ayn Marie Grace Barit-Garig ng hanggang apat na taon at dalawang buwang pagkakakulong si Neva Jane De Asis Penaflor na naging Neva Jane De Asis Penaflor Tamayo matapos ang umano’y pamemeke ng marriage contract noong 1992 upang palabasin na siya ang legal na asawa.
Batay sa record, nagkaroon ng relasyon sa yumaong si Brig. Gen. Gerardo Tamayo si Neva Jane. Si Neva Jane ang ikaapat na babae ni Gerardo. Ang tatlo ay sina Casimina Domantay, Remedios Angeles at Leonora Geronimo.
Lumilitaw na walang pinakasalan si Gerardo upang pantay-pantay ang kanyang mga karelasyon gayundin ang kanyang mga anak. Naging maayos ang relasyon ng mga ito sa isa’t isa hanggang sa magkasakit si Gerardo at maconfine sa iba’t ibang ospital.
Dito na sinamantala umano ni Neva Jane ang pagkakataong magpakasal at pinalabas na pirmado ni Gerardo ang kanilang marriage contract noong April 9, 1992. Nang mamatay si Gerardo noong Disyembre 13, 1992, nakakuha ng kopya ng marriage contract si Neva Jane na ginamit nito upang ipaalam sa bangko na siya ang ‘ surviving spouse’ ng una.
Subalit mas tinignan ng korte ang testimonya ni NBI Supervising Questioned Document Examiner Antonio Magbojos, na may pamemeke sa pirma ni Gerardo.
Ayon naman kay Private Prosecutor Atty. Jose Icaonapo, Jr. ng Icaonapo Litong & Associates Law Office matibay ang mga iprinisintang ebidensiya at testimonya sa korte laban kay Neva Jane.
Inalabas ng QCMTC ang hatol noong Oktubre 3, 2021 kaya naghain naman ng apela ng kaso ang kampo ni Neva Jane noong Oktubre 27, 2021.
- Latest