MANILA, Philippines — Isang 17-anyos na estudyante ang malubhang nasugatan makaraang pagsasaksakin ng isang pinaghihinalaang notoryus na snatcher nang pumalag sa tangkang pang-aagaw sa kaniyang cellphone sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Sa imbestigasyon nina P/Staff Sgt. Ernie Baroy at P/Staff Sgt. Mardelio Osting, nagbibisikleta ang binatilyong biktima sa bahagi ng Hito St., Brgy. Longos para bumili ng pagkain nang mangyari ang insidente bandang 12:50 ng madaling araw.
Bigla na lamang sumulpot ang suspect na si Rodinito Samaro alyas Potpot, 30, ng Block 1, Lot 30, Pampano St. at tinangkang hablutin ang cellphone ng biktima subali’t nabigo ito matapos na makaiwas ang biktima.
Dahil dito ay nairita ang suspect na naglabas ng ice pick at pinagsasaksak ang biktima ng ilang beses sa likuran nito bago mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon na umagaw ng atensyon sa mga tao sa lugar ang insidente.
Agad sinaklolohan ng mga nagrespondeng Brgy. Tanod ang binatilyo na mabilis na isinugod sa Tondo Medical Center upang malapatan ng lunas.
Ipinag-utos na ni Malabon City Chief of Police P/Col. Albert Barot ang imbestigasyon sa kaso upang matukoy at mapanagot sa batas ang suspect.