5 nagpanggap na staff ni Pacquiao huli sa panggagantso

Kinilala ni PCpl Mark Joseph B Dario, imbestigador ng Hill Crest Sub Station 8 ang mga suspek na sina Mary Grace; Osualdo Nieva; Marieta Nieva; Phebie Maula at Allan Almonte.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Kalaboso ang limang indibiduwal matapos na mahuli sa aktong nagbebenta ng Daily Time Record (DTR) sa halagang P30 kamakalawa ng umaga sa Camarin, Caloocan City.

Kinilala ni PCpl Mark Joseph B Dario, imbestigador ng  Hill Crest  Sub Station 8 ang mga suspek na sina Mary Grace;  Osualdo Nieva; Marieta Nieva;  Phebie Maula at Allan Almonte.

Paliwanag ni Dario, nagpapakilala ang lima na staff ni Senator Manny Pacquiao at kukuha ng mga taong maglilinis ng kalsada kapalit ang bayad na P7,500.

Subalit kailangan munang bumili ng bawat indibiduwal ng daily time record sa halagang P30.

Ayon naman kay P/Maj. Jose Hizon ng Caloocan City Police Community Precinct 8, kailangan ding isumite ang larawan ng  kanilang clean-up operation at kopya ng kanilang mga ID kapalit ayuda na halos P7,500 mula kay Pacquiao.

Nabatid na nakakuha ng mahigit P4,000 ang mga indibiduwal sa modus. Todo-tanggi naman ang apat sa  limang suspek sa ginawang pananamantala at panloloko

Samantala, nilinaw naman ni Pacquiao na wala siyang kaugnayan sa mga ganitong grupo o scheme.

“Marami po nagdadala ng pangalan ko at naghihingi po ng pera. Meron po iba na gumagamit po ng ­aking pangalan na namimigay sa mga residente ng pera. ‘Di po totoo ‘yan.Wala pong katotohanan ang lahat ng ‘yan dahil kung ako po ang mamimigay sa sarili kong pera, ako po mismo ang pumupunta sa inyo at sa kababayan natin para mamigay ng tulong,” ani Pacquiao.

Show comments