Navotas City nais ding lumahok sa face-to-face classes
MANILA, Philippines — Interesado ang pamahalaang lungsod ng Navotas na lumahok sa pilot test ng Department of Education (DeEd) para sa limitadong face-to-face (F2F) classes na isasagawa sa darating na Nobyembre 15, 2021.
Nilagdaan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang liham bilang pagsang-ayon na lumahok sa pilot study ng F2F classes.
Una rito, inihayag ni DepEd Secretary Leonor Briones na nasa 90 public schools ang magpapartisipa sa pilot test para sa limitadong face-to-face classes.
Ang hakbang ay sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic kung saan plano ng DepEd na unti-unting magbalik na ang face-to-face classes basta’t sumunod lamang sa safety at health protocols upang maiwasan na magkahawaan sa virus.
Ayon kay Tiangco, 45 na mga senior high students ang kasali rito sakaling aprubahan ito ng DepEd at ng Department of Health (DOH).
“Nag-meeting na rin po tayo kasama ang mga concerned offices tungkol dito. Napagkasunduan natin na dapat bakunado ang mga batang kasali sa face-to-face classes kaya bibigyan ng prayoridad sa pagbabakuna ang mga papasok sa F2F classes,” ayon sa alkalde.
Samantalang sinabi pa ni Tiangco na boluntaryo ang pagbabakuna ng mga kabataan mula 12-17 anyos basta’t pinahintulutan ito ng kanilang mga magulang at guardian.
- Latest