MANILA, Philippines — Pinayuhan ng ilang opisyal ng Quezon City ang mga taong bibisita sa mga sementeryo sa lungsod, na magdala na lamang ng identification cards (ID) upang maiwasan na ang pagtatalo hinggil sa edad ng mga kabataang kasama nila sa pagdalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ang payo ay ginawa ng mga tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) matapos na isang mag-ama ang magpilit na pumasok sa sementeryo kahit pa umano ang kasama nitong anak na isang special child ay mukhang menor-de-edad.
Matatandaang ang mga menor-de-edad ay hindi pinapayagang makapasok sa mga sementeryo bilang bahagi ng mga ipinaiiral na health protocols laban sa COVID-19.
Nabatid na magkaangkas ang mag-ama, na hindi na pinangalanan, nang dumating ang mga ito sa Holy Cross Cemetery ngunit pinigilan silang makapasok ng mga opisyal na nagbabantay sa entrance gate dahil mukha umanong menor-de-edad ang kasama nitong anak.
Gayunman, ipinagpilitan umano ng ama na 27-anyos na ang anak at mukha lamang menor-de-edad dahil special child ito.
Malaunan naman ay pinapasok na rin ang mag-ama ngunit pinayuhan ang publiko na magdala na lamang ng ID na nagpapakita ng kanilang birthday o edad upang hindi na maulit pa ang naturang insidente.
Nabatid na maayos naman ang ginawang sistema ng mga opisyal para sa pagpasok ng mga tao sa naturang sementeryo at binibigyan ng stub o number ang mga ito.
Nasa 60,000 katao ang pangkalahatang pinapayagang tao na makapasok sa loob pero hanggang ngayong Huwebes na lamang ito.
Una nang ipinag-utos ng pamahalaan ang pagsasara ng mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao ngayong Undas.