MANILA, Philippines — Sunud-sunod nang nagbubukasan ang mga pasyalan at atraksyon sa Metro Manila kung saan muling nagbukas kahapon ang Manila Ocean Park sa Maynila.
Pinangunahan ni Manila City Vice-Mayor Honey Lacuna ang pagbubukas ng pasyalan na may atraksyon na daan-daang iba’t ibang uri ng isda.
“Matapos ang pansamantalang pagsasara dahil sa pandemya, umaasa kami na ang mga negosyo tulad ninyo ay makakabalik na sa dating sigla,” ayon kay Lacuna.
Umaasa rin si Lacuna na ang pagbubukas ng mga tourist destinations sa siyudad ay lilikha ng mga trabaho para sa Manilenyo at magiging daan para makarekober ang ekonomiya.
“Nagbibigay kayo ng malinaw na mensahe na nakakaalpas na tayo sa madilim na panahon at makalalabas na sa tunnel at nakikita na ang liwanag sa dulo nito,” dagdag pa niya.
Bukas ang Manila Ocean Park mula Huwebes hanggang Linggo, mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Nagpaalala naman ang pamunuan na tanging mga bakunado na nasa edad 18-65 lamang ang papayagang makapasok sa naturang tourist destination.