Daloy ng trapiko sa Metro Manila bumigat na
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagluluwag ng mga panuntunan kontra COVID-19, muling bumigat ang daloy ng trapiko sa mga kalsada sa National Capital Region matapos ibaba na sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa NCR.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, nararamdaman ang pagbigat ng trapiko sa Kamaynilaan lalo na kapag peak hours.
Gayunman, mananatili umanong suspendido ang coding sa mga sasakyan, maliban sa Makati City, dahil hindi pa rin normal ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Abalos, mainam nang nasa loob ng pribadong sasakyan ang mga tao para mayroon silang “personal bubble” sa pagbiyahe. “Sasakay ka sa jeep, sasakay ka sa bus, sasakay ka sa MRT. Baka magkasiksikan lalo,” ani Abalos.
Kahapon, mas marami na rin ang nakapagsimba matapos dagdagan ang kapasidad ng religious gathering sa 30 porsiyento, pero para lang sa mga bakunado.
Unti-unti na ring bumabalik ang mga mamimili sa mga mall sa Metro Manila habang dumagsa ang mga namamasyal sa “dolomite” beach sa Manila Baywalk kahapon.
Nagpaalala naman ang OCTA Research Group na hindi dapat magpakakampante ang publiko dahil bagaman mataas na ang vaccination rate sa Metro Manila, hindi pa tapos ang pandemya.
- Latest