MANILA, Philippines — Kalaboso ang anim na pulis-Maynila makaraang ituro ng isang Sangguniang Kabataan chairman na mga nangotong sa kanya nitong Huwebes ng madaling araw.
Nakilala ang mga inaresto na sina PSSg Jeffrey Meija, PCpl Johndee Toledo, Pat. Kenneth Cordova, Pat Danny Rangaig, PCpl Jigie Azores at PCpl Kevin John Villanueva.
Sa reklamo sa pulisya ng biktimang si Jericho Laniog, 24, binata, SK Chairman, ng Brgy. 313, Sta,Cruz, Manila, nakatayo siya at kanyang kaibigan sa kahabaan ng Luzon Street sa Brgy. 314 Sta. Cruz, dakong ala-1 ng madaling araw nang sitahin sila ng dumating na lalaki na nagpakilalang mga pulis.
Hinuli sila ng mga pulis dahil sa paglabag sa Ordinance 8737 (Metro Wide Curfew) kung saan nahulihan ang kasama ni Laniog ng drug paraphernalia na pipe saka sila dinala sa Padre Algue Police Community Precinct. Dito nanghingi umano ang mga pulis ng pera para makalaya sila.
Nagawang makaipon ng P47,000 halaga ng pera ni Laniog nang isanla ang kanyang motorsiklo at gintong kuwintas.
Nang makalaya, nagsampa ng reklamo si Laniog sa PS-2 kaya nagkasa ng operasyon ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek. Positibong kinilala ni Laniog ang mga pulis na umaresto at nangotong sa kanya.
Nasa kustodiya ng MPD-General Assignment Section ang mga inarestong pulis na nakatakdang sampahan ng kasong Robbery Extortion sa Manila City Prosecutor’s Office.