Mga sementeryo sa Metro Manila, sarado sa Undas
MANILA, Philippines — Isasara ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang lahat ng pampubliko at pribadong mga sementeryo sa rehiyon ngayong Undas bilang bahagi ng pag-iingat sa hawaan ng COVID-19.
Pirmado ng 17 alkalde ng Metro Manila ang Metro Manila Development Authority (MMDA) Resolution No. 21-22 na humihikayat sa pagpasa ng ordinansa o resolusyon sa pagpapasara sa lahat ng sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
Kinakailangan umano na maiwasan ang mga malakihang pagtitipon ng mga tao na posibleng maging ‘super spreader events’ at upang maipagpatuloy ang pagbaba na ng mga bagong kaso na naitatala ng Department of Health (DOH).
“It is encouraged that individuals visit the public and private cemeteries, memorial parks, and columbaria on dates earlier than 29 October 2021 or later than 02 November 2021 subject to 30% venue capacity,” ayon pa sa resolusyon.
Papayagan naman ang pagsasagawa ng burol, cremation at iba pang serbisyo ngunit kailangang susunod sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
- Latest