MANILA, Philippines — Isang termino pa ang inaasam ngayon ng kasalukuyang alkalde't bise alkalde ng Lungsod ng Quezon matapos nilang maghain ng kanilang kandidatura sa susunod na eleksyon sa darating na taon.
Ika-5 ng Oktubre, Martes, nang maghain ng kanilang certificates of candidacy (COC) sina incumbent QC Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto para tumakbo sa parehong pwesto sa ilalim ng partidong Serbisyo sa Bayan (SBP).
Related Stories
Quezon City mayor Joy Belmonte and vice-mayor Gian Sotto have filed their certificates of candidacy, seeking another term under the their local party Serbisyo sa Bayan (SBP). #BilangPilipino2022 #Elections2022
Follow live updates here: https://t.co/2tLTIhPqcr pic.twitter.com/7uGQEbjA2n— Philstar.com (@PhilstarNews) October 5, 2021
Nahalal sina Belmonte at Sotto — pinsan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at aktor na si Oyo Sotto — sa mga naturang pwesto noong 2019 midterm elections, matapos talunin sina Vincent Crisologo at Jopet Sison ng PDP-Laban, atbp.
Ang COC filing nina Belmonte at Sotto ay ikinasa isang araw matapos ianunsyo ni Anakalusugan party-list rep. Mike Defensor ang kanyang kagustuhang tumakbo sa 2022 elections para sa pagka-alkalde.
Kontrobersyal si Defensor para sa libreng pamumudmod ng ivermectin, isang anti-parasitic drug, sa QC. Una na niyang ipinetisyon sa Supreme Court na payagan na itong magamit laban sa COVID-19.
Ginawa ito nina Defensor kahit na ang mismong manufacturer ng ivermectin (Merck) na ang nagsabing walang matibay na ebidensyang makatutulong ito laban sa COVID-19.
Sinasabing sa Huwebes o Biyernes pormal na ihahain ni Defensor ang kanyang kandidatura sa pagkaalkalde, habang magiging running mate naman niya si QC District 2 Councilor Winston "Winnie" Castelo. — James Relativo
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.