Enforcement team iikot sa Pasay ngayong Alert level 4

MANILA, Philippines — Mas palalakasin pa ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang pag-iikot ng kanilang enforcement team sa mga komunidad sa siyudad upang matiyak ang pagsunod ng publiko sa ‘minimum health standards’ ngayong ipinaiiral na ang Alert Level 4 sa Metro Manila.

“Meron po talaga kaming task force tsaka enforcement team na umiikot aside from the inspection na ginagawa ng BPLO sa mga establishment,” ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.

“Nagtutulungan ang iba’t-ibang department namin para mas marami talaga kaming maabot na mga mamamayan at mapapaalalahanan sila ng mga kailangan nilang gawin,” dagdag niya.

Kampante rin ang alkalde na magtatagumpay ang bagong quarantine classification na ipinaiiral ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil sa dati na rin nilang ginagawa sa Pasay ang ‘granular lockdown’ ng mga lugar na may matataas na kaso ng COVID-19.

“Pag affected ang bahay na may 2 or more cases, lockdown ‘yung bahay or pag meron doon sa bahay na iyon or sa isang bahay na parang compound, isang compound po ang aming nila-lockdown,” paglilinaw niya sa ipatutupad na panuntunan.

Nananawagan ang alkalde sa mga taga-Pasay na makipagtulungan sa mga awtoridad sa bagong polisiya upang tuluyan nang ma­tuldukan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang siyudad.

Show comments