MANILA, Philippines — Aabot sa 326,000 quarantine protocol violators o 12,600 indibiduwal kada araw ang nasisita ng mga pulis habang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Ayon kay Eleazar ang nasabing bilang ay mula lamang Agosto 21 hanggang September 15.
“Ayan ‘yung nakita lang natin, nag-aaverage ng 12,600 per day, ‘yan ay sa Metro Manila,” ani Eleazar.
Nabatid na sa nasabing bilang 59 porsiyento ang binigyan ng warning, 36 porsiyento ang tinikitan habang 5 porsiyento ang kinasuhan.
Subalit ngayong nasa GQC Alert Level 4 ang NCR at maraming industriya at establisimyento ang nagbukas, apela ni Eleazar sa publiko, sundin na lamang ang mga health protocols upang maiwasan pa rin ang hawaan ng virus. Aniya, hindi na nila mamomonitor at matse-check ang travel movement ng publiko.
Sa ngayon, nasa 54 na barangay ang naka-granular lockdown sa National Capital Region o NCR kung saan nakasentro ang pagbabantay ng mga pulis.
Naka-deploy rin aniya ang mga pulis sa mga establisimyento na pinayagan na ulit magbukas simula kahapon upang matiyak na nasusunod ang minimum public health standards.
Itinuturing naman ni Eleazar na “generally peaceful”ang unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level System sa NCR.