MANILA, Philippines — Walong kalsada sa Caloocan City ang isinailalim ni Mayor Oca Malapitan sa isang linggong lockdown na nagsimula kaninang madaling araw na tatagal hanggang Setyembre 9 dakong alas -11:59 ng gabi.
Kabilang dito ang 5th Street, Magsaysay Street, 6th Street at C3-Road sa Barangay 123 at ang mga kalye ng Panay, Guinugitan, Masbate, at Victoria sa H. Dela Costa Homes, Barangay 179.
Ayon kay Malapitan, ipatutupad ang pitong araw na lockdown sa mga apektadong bahagi ng Barangay 123 matapos makapagtala ang City Health Department sa nasabing barangay ng anim na aktibong kaso ng COVID-19 at hindi bababa sa 119 close contacts na kabilang sa nasa 27 mga pamilya.
Samantala, ipatutupad naman ang lockdown sa mga kalye ng Panay, Guinugitan, Masbate at Victoria sa H. Dela Costa Homes sa Barangay 179 matapos makapagtala sa mga lugar na ito ng 16 aktibong mga kaso ng sakit at hindi bababa sa 103 close contacts.
Binigyan diin ni Malapitan na sa buong panahon ng lockdown, mahigpit na pagbabawalan ang mga residente na lumabas ng kanilang mga tahanan at tanging medical frontliners, essential government employees, mga pulis, mga opisyales ng barangay at mga indibidwal na nangangailangan ng atensyong medikal lamang ang papayagang lumabas ng kanilang tahanan.
Layon ng lockdown na maisagawa ang mass swab testing at contact tracing sa mga residente, kasabay ng malawakang misting at disinfecting operations sa lugar.
Tiniyak din ng alkalde na mamamahagi ng food packs ang pamahalaang lungsod sa mga apektadong residente.