DOH office, nilusob ng healthcare workers: Pagbibitiw ni Duque iginiit

Nagsagawa muna ng programa ang mga health workers na sinundan ng noise barrage bago tuluyang tinapos ang kanilang protesta. Panawagan ng mga demonstrador ang agarang pagbibitiw ni Secretary Francisco Duque III dahil sa kabiguan na maibigay ang mga benepisyo nila kaugnay ng pandemya.
The STAR / Boy Santos, file

MANILA, Philippines — Lumusob kahapon ng umaga ang daan-daang healthcare workers na kaanib ng Alliance of Health Workers at Filipino Nurses United (FNU) sa harap ng head office ng Department of Health (DOH) sa Rizal Avenue, Maynila at nanawagan sa pagbibitiw ni Secretary Francisco Duque III.

Pasado 10:00 ng umaga, unang nagtipun-tipon ang mga health workers sa harapan ng Philippine General Hospital (PGH) bago nagmartsa patungo sa tanggapan ng DOH.

Lumahok dito ang mga healthcare workers buhat sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Ge­neral Hospital, Research Institute for Tropical Medicine at Tondo Medical Center.  Umabot sa humigi’t kumulang 200 ang mga nagprotesta makaraang samahan  sila ng iba’t ibang militanteng grupo.

Nagsagawa muna ng programa ang mga health workers na sinundan ng noise barrage bago tuluyang tinapos ang kanilang protesta.  Panawagan ng mga demonstrador ang agarang pagbibitiw ni Duque dahil sa kabiguan na maibigay ang mga benepisyo nila kaugnay ng pandemya.

Ayon kay Cristy Donguines, presidente ng JRRMMC employees union, sa ngalan ng delicadeza ang panawagang pagbaba sa puwesto ni Duque.

Samantala, sinabi ni Filipino Nurses United (FNU)  convenor Eleanor Nolasco na tuluy-tuloy ang isasagawa nilang kilos protesta laban sa DOH dahil hanggang sa ngayon ay marami pa ang hindi nakakatanggap ng pangakong ‘special risk allowance (SRA).

Bukod dito, hinihingi rin ng mga health workers ang kanilang meals, accomodation and transportation (MAT) allowance, at active hazard pay.

Sinabi naman ng DOH na naipamahagi na sa iba’t ibang rehiyon ang may P311 milyon benepisyo para sa mahigit 20,000 health workers.

Show comments