MANILA, Philippines — Nasakote ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaki na itinuturong miyembro umano ng isang ‘gun-for-hire syndicate’ sa ikinasang operasyon sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Nakilala ang suspek na si Jason Narag, alyas Bangkay. Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder na inilabas ni Judge Carolina Icasiano-Sison ng Manila Regional Trial Court Branch 18.
Sa ulat ni P/Major Cicero Pura, hepe ng District Special Operations Unit, dakong alas-2 nitong Martes ng hapon nang madakip ng kaniyang mga tauhan si Narag sa loob ng Building 9 Unit 215 Permanent Housing, Smokey Mountain, Brgy. 128, Tondo.
Hindi na nakapalag si Narag nang agad siyang mapalibutan ng mga pulis at ihain sa kaniya ang warrant of arrest.
Ayon kay Pura, mapanganib si Narag dahil sa sangkot siya sa mga serye ng patayan sa Tondo. Sa kanilang rekord, una nang naka-engkuwentro ng mga pulis ang kasamahan ni Narag na si Romeo Liporada na dahilan ng kamatayan ng huli.