MANILA, Philippines — Nagpatupad ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng limitadong biyahe o provisional service sa kanilang linya kahapon ng hapon matapos na dumanas ng problemang teknikal.
Sa paabiso ng LRT-2, dakong alas-3:15 ng hapon nang simulang ipatupad ang provisional service mula Cubao Station sa Quezon City hanggang Santolan Station sa Pasig City at pabalik, at mula Santolan Station hanggang Antipolo Station.
Hindi naman na nilinaw ng LRT-2 kung ano ang problemang teknikal na dinanas ng kanilang linya ngunit tiniyak na nagsasagawa na sila ng trouble shooting upang masolusyunan ito.
Pagsapit naman ng alas-4:35 ng hapon ay naibalik na rin ng LRT-2 sa normal ang operasyon ng kanilang mga tren.
Ang LRT-2 ay bumibiyahe mula sa Claro M. Recto Avenue, sa Maynila hanggang sa Antipolo City.