DILG sa mga barangay: National ID system, suportahan
MANILA, Philippines — Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay na suportahan ang implementasyon ng Philippine Identification System (PhilSys) o National ID system, sa pamamagitan nang paghikayat sa kanilang mga constituents na magrehistro sa PhilSys at kumuha ng national ID.
“Nasa gitna man tayo ng pandemya, tuloy pa rin ang paghahatid ng serbisyo publiko sa mga mamamayan. Kaya hinihimok ko ang mga punong barangay na makiisa sa adbokasiya ng National ID Campaign, upang mapabilis ang pagpapatala sa ating mga mamamayan, lalo na ang mga nasa kanayunan,” ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año.
Sinabi ni Año na ang PhilID card ang magiging nag-iisang ID na ire-require para sa lahat ng transaksiyon sa lahat ng local government units (LGUs), private entities, mga banko at iba pang establisimyento sa bansa.
Binigyang-diin ni Año na napakaimportante ang pagkakaroon ng national ID lalong-lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan madalas ginagamit ang ID para sa mga online transactions, pagkuha ng ayuda, pagpapabakuna at marami pang iba.
Anang kalihim, batay sa record mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), umaabot na sa 1.048-milyong National ID cards ang matagumpay na nai-deliber, sa tulong ng Philippine Postal Corporation habang mayroon pang 3.036-milyong ID cards ang nai-dispatched at kasalukuyan na ring idinideliber sa ngayon.
- Latest