PGH tigil muna sa pagtanggap ng pasyente
MANILA, Philippines — Pansamantalang hihinto muna ang Philippine General Hospital (PGH) sa pagtanggap ng mga pasyente sa kanilang ‘emergency room’ upang tutukan ang mga daan-daang pasyente na may COVID-19 na naka-admit sa kanila.
Sa advisory ng PGH sa Maynila, lagpas na sa 300 ang mga naka-admit na pasyente sa kanilang COVID-19 rooms sa kabila na 230 lamang ang itinakda nilang limitasyon.
“Higit 100 na sa una naming itinakdang 230 na bilang ang kasalukuyang COVID-19 patients na naka-admit sa PGH, at karamihan sa mga ito ay nangangailangan ng intensive care, high-flow oxygen, at ventilators,” ayon sa pahayag ng pagamutan.
“Malalagay lang sa peligro ang kapakanan ng mga pasyente, at pati na rin ng aming mga kawani, kung ito ay hahayaan naming madagdagan pa,” dagdag pa nito.
Sa mga nagbabalak na magpa-admit sa PGH, ipinayo ng pagamutan na makipag-ugnayan muna sa Transfer Command Center sa pagkontak mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi sa mga sumusunod: 0932 339 0827 (Sun); 0966 549 2755 (Globe); 8524 9966 (Direct line); 8554 8400 local 2538 or 2539; at [email protected].
- Latest