Sa pagbabalik MECQ Mas mahabang pila ng commuters, naobserbahan sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Mahabang pila ang sumalubong sa mga commuters sa unang Lunes nang pag-iral ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila kahapon.
Nabatid na napilitang pumila ang mga commuters upang makasakay sa EDSA bus carousel mula Roosevelt station sa Quezon City kahapon upang makapasok lamang sa kani-kanilang trabaho.
Ayon naman sa ilang commuters, bagama’t mahaba ang pila ay hindi rin naman sila matagal na naghintay upang makasakay.
May ilang commuters naman ang nagpahayag ng pangamba na baka maging superspreader events ang pila sa mga sakayan, lalo na ngayong kinumpirma na ng Department of Health (DOH) na may community transmission na nga ng Delta variant ng COVID-19 sa Metro Manila at Calabarzon.
Samantala, inirereklamo naman ng ilang commuters ang kakulangan ng mga pampublikong transportasyon na siya umanong nagpapahirap sa kanila at nagiging dahilan upang hindi masunod ang social distancing.
Matatandaang kahapon ang siyang unang work day sa rehiyon, simula nang ibalik ng pamahalaan ang MECQ noong Agosto 21 lamang.
Una nang isinailalim ng pamahalaan ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20 upang mapigilan ang pagtaas pa ng COVID-19 cases, partikular na ang Delta variant nito.
Sa ilalim ng MECQ, mas maraming negosyo ang pinapayagang magbukas kaya’t mas marami ring empleyado ang maaaring pumasok sa trabaho.
Mas maluwag na rin ang pagbiyahe para sa mas maraming manggagawa dahil hindi na kinakailangan pa ang quarantine pass.
Ang MECQ sa Metro Manila ay inaasahang magtatagal hanggang sa Agosto 31, 2021.
- Latest