MANILA, Philippines — Sarado muna sa mga motorista ang Topaz Road sa Brgy. San Antonio, Pasig City matapos na magkaroon ito ng mahabang bitak, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ng Pasig City Disaster and Risk Response, nabatid na dakong alas-6:00 ng gabi, matapos ang malakas na pag-ulan, nang maipagbigay-alam sa kanila ang biglang pagbitak ng kalsada sa Topaz Road.
Ang naturang bitak ay may haba umanong hanggang 70 metro at matatagpuan sa pagitan ng isang condominium building at isang construction site.
Kaagad namang rumesponde ang mga awtoridad at kinordonan ang lugar.
Nilagyan din umano ito ng malaking tarpaulin at mga early warning cones upang maiwasan ang anumang aksidente.
Kaagad ding nag-inspeksiyon sa lugar at nagpulong ang mga lokal na opisyal ng Pasig, sa pangunguna ni Pasig City Mayor Vico Sotto, kasama si Brgy. San Antonio Chairman Raymond Lising, mga opisyal ng city hall, personnel ng DPWH, Meralco at ng Ortigas Land kahapon ng umaga dahil sa pangyayari..
“Our engineers are working with Ortigas Land, Manila Water, Meralco, and the barangay to pinpoint the cause of the damage along Topaz Road. They will finish submit their full assessment by today,” ayon kay Sotto.
“Our initial findings showed that soil erosion could have caused the cracks. Yesterday, it was raining very hard here,” ani Lising.
Samantala, hindi umano dulot ng faultline ang malaking crack ng lupa na nakita sa may pagitan ng Topaz Road sa Ortigas Center Pasig City, ayon sa Philippine Institutue of Volcanology and Siesmology (Phivolcs)
Ayon kay Phivolcs Renato Solidum, kung may faultline sa lugar at gumalaw ang fault ay maaaring lumindol ng malakas dito.
Maaari anyang ang malaking crack na nakita sa naturang lugar ay dulot ng pagguho ng lupa dahilan ng malakas na pag-ulan o maaaring may isinagawang excavation work malapit sa naturang lugar.