Dahil sa kakulangan sa health personnel
MANILA, Philippines — Dala ng kakulangan sa health personnel sa isolation facility, pansamantalang ipinatigil ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang bakunahan sa dalawang vaccination site sa lungsod.
Nasa 1,000 doses din ang ibinaba sa daily target ng lungsod ngayong linggo dahil na rin sa pangangailangan ng frontliners para maserbisyuhan ang mga nasa quarantine facilities.
Kaugnay nito, nangangailangan ng mga health worker para imonitor ang mga naka-home quarantine kaya natigil din pansamantala ang house-to-house vaccination para sa mga bedridden na pasyente. Aniya, tumitindi ang household transmission kaya ipinatutupad ng Navotas LGU ang residential lockdown.
Samantala, sa halip na metro-wide ECQ, sinabi ni Tiangco na mas pabor siya sa pagpapatupad ng granular lockdown o ECQ na lamang sa mga lugar, barangay o kalsada na may mataas na kaso ng COVID-19.
Aniya, tumaas naman ang compliance ng mga taga-Navotas pagdating sa pagsusuot ng face mask.
Kung walang face mask, maaaring mag-TXT JRT at ilagay ang pangalan, address at contact details. Magpapack ang DRRMO ng mask at magre-reply ang ating Action Center kung kailan ito naide-deliver ng inyong barangay.