Quezon City, nagpadala ng breastmilk sa mga sanggol sa Tala Hospital

MANILA, Philippines — Pinalawak pa ng Quezon City Human Milk Bank (QCHMB) ang kanilang serbisyo at nag-donate ng breastmilk para sa mga sanggol na naka-admit sa neonatal intensive care unit (NICU) ng Tala Hospital sa Caloocan City.

Nabatid na nag-donate ng tatlong litrong pasteu­rized breastmilk ang QCHMB sa Tala para sa mga sanggol na ang mga ina ay dinapuan ng COVID-19 at kailangang i-quarantine.

Maging ang mga may sakit at mga premature babies ay inaasahan ding makikinabang sa naturang donasyong breastmilk.

“It has always been part of the QC Human Milk Bank’s program to extend our services to in need infants and moms regardless of the city they are in,” ayon kay QCHMB Head Dr. Shahani Duque.

Ang QCHMB at QC Health Department (QCHD) ay nangungolekta ng human milk mula sa mga breastfeeding moms sa 32 lying-in clinics ng lungsod, at mula sa mga screened private donors nila.

Noong Mayo, ang QCHMB ay nakapagkaloob ng pitong litro ng pasteurized human milk para sa neonates ng Philippine General Hospital (PGH) na naapektuhan ng sunog sa pagamutan.

Noong nakaraang taon naman, nakatulong din sila sa mga breastfeeding mothers na apektado ng pagputok ng bulkang Taal.

Show comments