2 katao patay sa pamamaril sa Malabon
MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang motibo ng pagpatay sa isang lalaki at isang babae na pinagbabaril ng tatlong armadong kalalakihan sa lungsod ng Malabon, Sabado ng madaling araw.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa kanilang katawan ang mga biktimang sina Geraldine Atanoso, 32, ng Malabon at Rolando Balbas, 25, ng Vitas St., Tondo, Manila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa kanto ng Hiwas at Hasa-Hasa St., Brgy. Longos dakong alas-2:55 ng madaling araw ang mga biktima nang lapitan ng tatlong lalaki .
Ayon sa ilang testigo nakita pa na nag-uusap ang mga biktima at mga suspect, pero ilang saglit pa ay bigla na lamang naglabas ng baril ang mga suspect at pinagbabaril ang dalawa at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas.
Ayon kay Malabon City Police Chief P/Col. Albert Barot, isang saksi ang kumilala sa isa mga suspect na si Jimmy Abaya, alyas Jim-jim, 25 , ng Brgy. Longos, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa dalawang kasama nito.
Ayon pa sa pulisya, si Abaya ay sangkot din umano sa pamamaril noong nakaraang Hunyo 5 ng taon na ikinasugat ng fish vendor na si Alvin Santos, 43, sa kahabaan ng Blk 38 Phase 3, Brgy. Longos.
Patuloy ang isinagawang imbestigasyon sa insidente na hinihinalang posibleng personal na galit o posible rin may kinalaman sa ilegal na droga.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang apat na basyo, isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, gunting at limang piraso ng P100 bill.
Patuloy naman ang manhunt operations ng pulisya laban kay Abaya at sa dalawa pang suspect na sangkot sa krimen.
- Latest