Maayos na distribusyon ng ayuda sa Pasay, tiniyak

MANILA, Philippines — Ipinangako ni Pasay City Mayor Emi Calixto na magiging maayos ang distribusyon nila ng perang ayuda ng pamahalaan na uumpisahan ngayong Miyerkules.

Ayon sa alkalde, hindi muna sila gagamit ng IT providers sa pamamahagi ng pera ngunit magtatalaga sila ng mga ‘disbursement officers’ na siyang magdadala ng pera sa mga tukoy na lugar sa mga barangay.

“Magiging maayos po ito sapagkat alam namin kung sino lang ang dapat pumunta sa mga venue kung saan ipamamahagi ang pera at lahat po sila ay nauna ng natawagan sa telepono o di kaya ay sa public address system ng barangay,” ayon kay Mayor Calixto.

“Iyong hindi pa po matatawag ay walang dahilan para magpunta sa mga venue at kaya wala silang gagawin kundi hintayin kung anong araw at oras sila dapat magpunta at kumuha ng kanilang cash aid,” paliwanag pa niya.

Subok na umano nila ang ganitong sistema na dati na rin nilang ipinatupad sa mga nakalipas na pamimigay ng cash assistance sa mga taga-Pasay.

“Sa ganoong paraan ay walang singitan na mangyayari at maiiwasan ang anumang kaguluhan,” dagdag pa niya.

Show comments