MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ni Pasig City Mayor Vico Sotto na gumastos ang lokal na pamahalaan ng P88.24 milyon para sa food packs na ipapamahagi nila sa may 260,000 pamilya na hindi makakatanggap ng cash aid mula sa national government.
Sa isang online press conference, sinabi ni Sotto na ang bawat food pack ay nagkakahalaga ng P340.
Naglalaman aniya ang mga ito ng bigas, mga delata at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente.
“Makakatulong naman talaga yung food packs. Hindi na rin nila kailangan lumabas ng bahay,” ayon pa sa alkalde.
Sinabi pa ng alkalde na nagpasya silang food packs na lamang ang ipagkaloob sa mga residente dahil hindi na umano kaya pa ng lokal na pamahalaan na magkaloob ng supplemental cash aid para sa mga ito sa mga hindi makakasama sa listahan ng mga recipient ng national government, tulad nang ginawa nila noong unang ECQ kung kailan gumastos sila ng P1.2 bilyon.
Dahil na rin aniya ito sa kakulangan nila ng pondo.
Nabatid na noong nakaraang linggo ay nakatanggap ang Pasig City ng P650 milyong cash aid mula sa national government.
Ito aniya ay kulang ng P30 milyon mula sa dating halagang ibinigay sa kanila.
Nilinaw naman ni Sotto na hindi sila nagrereklamo at sa halip ay humihingi lamang sila ng pang-unawa sa tao na hindi lahat ay makakatanggap ngayon ng ayuda.