MANILA, Philippines — Halos nasa P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Quiapo, Maynila nitong Sabado ng gabi na nagresulta sa pagkakadakip sa siyam na drugs suspects.
Nakilala ang mga nadakip na sina Hector Mohammad, 44, tsuper, target ng operasyon ng pulisya; Cesar Usman, 36; Jessie Decomo, 43; Rogelio Villanueva, 50; Orlando Bugayong, 32; Rico Ocenar, 42; Snooky Dela Rosa, 39; Nedzma Pustahan, 28; at Girlie Utao, 34, pawang mga nakatira sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng Sta. Cruz Police Station 3, dakong alas-7 ng gabi nang ikasa ng kanilang Drug Enforcement Unit (DEU) ang operasyon sa may kanto ng Carlos Palanca Street at Quezon Boulevard, Brgy. 306, Quiapo.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer at matagumpay na nakabili ng droga sa mga suspek. Hindi na nakapalag sina Mohammad at Usman habang nalambat din ang pito pang nakikipagtransaksyon sa kanila.
Nasabat ng mga pulis ang 12 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 135 gramo at may halagang P918,000; P500 buy-bust money bilang ebidensya at isang puting Toyota Vios.