Vaccination sites sa Maynila, nagkagulo

Mga magpapabakuna dumagsa dahil sa fake news

MANILA, Philippines — Nagkagulo  kahapon ng madaling araw sa ilang  vaccination sites  sa lungsod ng Maynila makaraang dagsain  ng libu-libong katao  na nais magpabakuna dahil sa kumalat na mga ‘fake news’ kahapon.

Napag-alaman na naging kakaiba ang pagdagsa ng nais na magpabakuna kahapon matapos na kumalat ang pekeng balitan na hindi mabibigyan ng ayuda ang hindi nagpabakuna, gayundin na   hindi sila palalabasin ng bahay kung hindi sila bakunado.

Nabatid na sa pagitan ng alas-2 hanggang alas-3 ng madaling araw nang maganap ang kaguluhan sa biglaang pagdagsa ng tao na sakay ng mga van at nanggaling pa umano sa mga probinsya ng Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal.

“They came in many groups, they came in many vans,” ayon sa mga imbestigador ng MPD.

Sa crowd estimate, umabot sa 7,000-10,000 ang nagtungo sa SM San Lazaro; higit 5,000 sa SM Manila; higit 3,000 sa Lucky Chinatown; at higit 4,000 sa Robinson’s Manila.  Karaniwan na aabot lamang ng 1,000 hanggang 2,000 ang nagtutungo sa naturang mga vaccination sites.

Nagkaroon lalo ng pagtatalo dahil sa hindi alam ng mga dumagsang magpapabakuna na kailangan ng QR Code mula sa Manila Health Department na makukuha kung nagpareshitro sila sa www.manilacovid19vaccine.ph.  Maaari umano ang ‘walk-in’ sa mga vaccination sites kahit hindi sila schedule ngunit kailangan pa rin na may QR Code sila.

Dahil sa pagtanggal sa barikada sa vaccination area at matinding kaguluhan, sinabi ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna na nagdesisyon ang pamunuan ng SM San Lazaro na itigil ang ‘vaccination’.

Sinabi pa ni Lacuna na aabot lang sa 2,500 doses kada mall ang kanilang ibinibigay na kulang na kulang sa mga dumagsang mga tao.

Show comments