MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na paiiralin nila ang panuntunan na inilabas ng Korte Suprema para sa paggamit ng body-worn cameras o alternative recording devices (ARD)
Ang paniniyak ay ginawa ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, matapos na obligado nang gamitin ng mga pulis ang mga body-worn cameras o alternative recording devices (ARD).
Ayon kay Eleazar, naglabas ng Memorandum ang Directorate for Operations (DO) nitong Lunes, August 2 na nagsasaad ng general protocols sa paggamit ng mga BWCs o ARDs sa pagsisilbi ng search warrant gayundin ng warrant of arrests.
Ang Memorandum ay ipinalabas para sa mga Regional Police Directors at National Operational Support Unit Directors para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas.
Ngayong malinaw na ang alituntunin mula sa Korte Suprema sa paggamit ng body-worn cameras, sinabi ni Eleazar na umaasa silang unti-unti na ring malilinis ang imahe ng pulis at mas magiging maayos ang pagseserbisyo ng mga pulis.
Nakasaad sa memorandum na hindi maaaring patayin anumang oras ang BWCs habang isinisilbi ang search at arrest warrant.
Sa kaso naman ng warrantless arrest, gagamitin pa rin ang mga BWC o ARD basta’t nasusunod ang panuntunan.
Samantala, binigyang-diin ni PNP Chief na malapit nang matapos at maipamahagi ang kanilang Enhanced Operational Guidelines and Policies sa paggamit ng BWCs at ARDs sa lahat ng tanggapan ng pulisya.
Ito’y hindi lamang umano para sa proteksyon ng mga karapatan ng mga kababayan natin kundi proteksyon din ng kanilang hanay laban sa mga maling haka-haka at alegasyon sa isinasagawa sa kanilang operasyon.